Spot report sa NPD ‘itinatago’
MANILA, Philippines - ‘Itinatago’ umano ang mga report hinggil sa nagaganap na kriminalidad sa Northern Police District (NPD) dahil ayaw ipakita sa media ng Tactical Operation Center (TOC) ang spot report tuwing araw ng Sabado at Linggo.
Ilang buwan nang hirap sa pagkuha ng impormasyon ang mga mamamahayag sa NPD-TOC at Public Information Office tuwing Sabado at Linggo dahil sa pagbabawal na ipakita ang mga “spot reports” na dumarating sa kanilang tanggapan.
Ipinag-utos umano ni P/Supt. Ferdinand Balguoa, hepe ng TOC, ang pagpapasok ng mga miyembro ng media sa tanggapan ng TOC kapag Sabado at Linggo kung kailan naman hindi ito pumapasok sa opisina.
Ikinatwiran ng mga tauhan ng TOC na sa PIO na lamang kumuha ng mga impormasyon ngunit wala rin namang opisyales at tauhan ang naturang tanggapan kapag Sabado at Linggo. Hindi rin naman umano aktibo ang PIO ng NPD sa paggawa ng mga ulat at koordinasyon sa mga mamamahayag.
Naniniwala naman ang mga mamamahayag na nagkokober ng NPD na nais lamang palabasin ng mga opisyal na payapa ang Sabado at Linggo na mga araw na hindi sila mahagilap sa mga opisina.
Nanawagan naman ang mga mamahayag kay NPD Director Chief Supt. Edgar Layon na bigyan ng atensyon ang naturang problema upang hindi mabansagan na sinisikil ang malayang pamamahayag.
- Latest