Teroristang Aussie timbog
MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang Australian national na umano’y terorista sa isinagawang operasyon sa pinagtataguan nito sa Lapu –Lapu City City nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ni Chief Supt. Prudencio Tom Bañas, Director ng Police Regional Office (PRO) 7, dinakip ang suspect na si Robert Edward Cerantino, 29 anyos tubong Melbourne, Australia at pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. Ibo, Lapu-Lapu City dakong alas 5:30 ng umaga nang salakayin ang nirerentahang bahay nito sa naturang lugar.
Isinilbi ng mga awtoridad ang warrant for deportation na inisyu ng Bureau of Immigration noong Hulyo 10 laban kay Cerantino matapos na matunton ang pinagtataguan nito.
Si Cerantino ay isang Christian na nagpa-convert sa Islam na gumagamit ng kaniyang website at social media accounts upang isulong ang terorismo at himukin ang mga Muslim na lumahok sa Jihad sa Syria at Iraq.
Arestado rin sa operasyon ang Pinay na si Joean Navarro Montayre, 32 anyos na kasama ni Cerantino sa tinutuluyan nito na may kasong estafa at ngayon ay nakakulong sa Mandaue City Jail habang ang dayuhan ay nasa kustodya nang BI.
Samantalang nasamsam naman sa nasabing operasyon ang sari-saring SIM cards, cell phones at iba pang electronic devices mula sa mga suspects.
- Latest