4 sa hazing suspects, nakalabas ng bansa!
MANILA, Philippines - Inamin ng Bureau of Immigration na nakalabas na ng bansa ang apat sa 17-suspects na pawang mga sangkot sa TAU Gamma Phi fraternity hazing incident sa kabila ng pagkakasailalim ng mga ito sa look-out bulletin.
Ayon kay Atty. Elaine Tan, tagapagsalita ng BI, bukod umano kay John Kevin Navoa na una nang kinumpirmang nagtungo sa Estados Unidos kamakailan, natuklasan din na nakalabas na ng bansa sina Emerson Nathaniel Calupas, Hans Killian Tatlonghari, at Eleazar Pablico.
Kasunod nito, inatasan ang lahat ng BI personnel na maging alerto at masusing i-monitor ang galaw ng iba pang suspects na kabilang sa look-out bulletin dahil sa pagkakasangkot sa pagkamatay ng Dela Salle College of St. Benilde HRM sophomore student na si Guillo Cesar Servando.
Noong nakalipas na Miyerkules lang nang ipatupad ang LBO na ipinalabas ng Department of Justice na may kautusan na dapat makipag-ugnayan ang BI sa DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sakaling may mga pagtatangkang lumabas ng bansa ang mga ito at dapat rin na humingi muna ng rekomendasyon kung papayagan ng mga nasabing ahensiya ang paglabas ng sinuman sa mga suspects.
Sa record ng BI, bago pa man umano ilabas ang LBO, nakalabas na umano ang apat.
Kasalukuyan pang bineberipika ang mga pangalan nina Cody Errol Morales, Daniel Paul Martin “Pope” Bautista, Kurt Michael Alamazan, Luis Solomon “Louie” Arevalo, Carl Francis Loresca, Jomar Pajarito, Vic Angelo Dy, Mark Ramos, Mike Castaneda, Tessa Dayanghirang, Yssa Valbuena, isang alyas Rey Jay, at isang alyas Kiko.
- Latest