Enrile inaatake ng hypertension
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Chief Supt. Alejandro Advincula, Director ng PNP Health Service na delikado ang umaatakeng hypertension kay Senador Juan Ponce Enrile na posible nitong ikaparalisa.
Kaya naman ay mahigpit na tinututukan ng mga doktor ng PNP General Hospital ang blood pressure ni Enrile dahilan mayroon itong chronic o uncontrolled hypertension.
Ayon kay Advincula, kailangang bantayang mabuti at imonitor ang kalagayan ng 90-anyos na Senador dahilan bigla -bigla na lamang itong tumataas ang blood pressure na umaabot ng 200/90 na kapag hindi nabantayan ng husto ay maari niya itong ikaparalisa o ikamatay.
Sinuri rin kahapon ng medical team ng Philippine General Hospital (PGH) ang kondisyon ng kalusugan ni Enrile matapos ang mga itong magtungo sa Camp Crame kahapon.
Nabatid na ang medical report ng mga doktor ng PGH ang magsisilbing basehan ng 3rd Division ng Sandiganbayan upang desisyunan kung ididitine sa piitan si Enrile o isasailalim ito sa “hospital arrest”.
Si Enrile ay mananatili muna pansamantala sa PNP General Hospital hangga’t wala pang commitment order ang Sandiganbayan.
Samantalang nasa 20 iba’t ibang klase naman ng tabletas ang iniinom ni Enrile kada araw kabilang na ang para sa kaniyang hypertension.
Sakali anya na muling tumaas ang blood pressure ni Enrile ngayong araw ay hindi muna ito papayagan na dumalo ito sa pagbasa ng sakdal sa kasong plunder sa Sandiganbayan.
- Latest