Ginahasa, pinatay ng ka-deal... Dalaga nagbenta ng gadget sa FB, natagpuan sa punerarya
MANILA, Philippines - Sa isang punerarya sa Caloocan City natagpuan ang bangkay ng isang 19-anyos na dalaga na halos dalawang buwan na nawala matapos itong magpaalam sa pamilya na makikipagkita sa bibili ng inaalok nitong gadget na kanyang ipinoste sa Facebook.
Ang biktima ay kinilalang si Angel Timbal, 19, ng Coloong, Valenzuela City.
Sa salaysay sa pulisya ng ina ng biktima na si Maribel, noong nakalipas na Mayo ay nagpaalam ang kanyang anak na pupuntahan ang bibili ng mga gadget na inaalok niya sa Facebook.
Subalit, simula noon ay hindi na nakabalik ang dalaga kaya’t hinanap ito ng halos dalawang buwan.
Nagwakas na rin ang paghahanap ng pamilya sa nawawalang dalaga nang makatanggap ito ng impormasyon kamakalawa (Hulyo 9) na ang bangkay nito ay nasa Jade Funeral Homes sa Caloocan City.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, natagpuan ang bangkay ng biktima sa madamong bahagi ng Barangay 171 sa Caloocan City noong nakalipas na Mayo 18, 2014.
Hinihinala na ginahasa ang biktima bago ito pinatay sa sakal ng hindi pa nakikilalang suspek dahil nakita sa bulsa nito ang itim na bikini na suot nito.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung sino ang naka-chat at ka-text ng biktima matapos silang mag-deal sa inaalok nitong gadget.
- Latest