Magbiro sa lasing ‘wag sa bagong gising
MANILA, Philippines - Tila nagkatotoo ang kasabihan na “di baleng magbiro sa lasing, huwag lang sa bagong gising” matapos na saksakin at mapatay ng isang pahinante na bagong gising ang isang lalaki na nagbiro sa kanya kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Dead on the spot dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Tomas Malicdem, nasa hustong gulang, at residente ng Canberra St., Vista Verde Executive Village, Llano, ng lungsod.
Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Juan Abilar, 50-anyos, ng Toronto St., ng naturang subdibisyon.
Batay sa ulat, dakong alas-5:20 ng madaling-araw ay kagigising lamang ng suspek at lumabas ito ng bahay upang bumili ng almusal.
Sa daanan ay nasalubong ng biktima ang suspek at dito ay may binitiwan umanong biro na hindi nagustuhan ng huli.
Nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang suspk at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima at pagkatapos ay tumakas.
- Latest