10 fratmen sa pagkamatay ni Servando pinangalanan
MANILA, Philippines - Naglabas na ng 10 pangalan ang Makati City Police na mga miyembro ng Tau Gamma Phil Fraternity na umano’y responsable sa initiation rites sa apat na neophytes kabilang dito ang nasawing estudyante ng De La Salle College of Saint Benilde na si Guillermo Cesar Servando.
Kinilala ang mga ito na sina Cody Morales, head-lord ng Tau Gamma Phil Fraternity; Pope Bautista, secretary; Trex Garcia; Hans Tamarin; alias Navoa; alias Rey Jay; alias Mike; alias Kurt; alias Louie at alias Emeng, ang master initiator ng hazing.
Nakilala ang mga ito batay sa naging pahayag ng sumukong si Jemar Pajarito, 26, miyembro rin ng naturang fraternity at caretaker ng bahay kung saan ginawa ang initiation rites sa apat na neophytes kabilang ang nasawing si Servando at ang sugatang si John Paul Raval, na kasalukuyang naka-confine ngayon sa Makati Medical Center at anak ng isang General Raval.
Ang nabanggit na mga pangalan ay kinukonsidera ng pulisya na mga suspek at inaalam na rin nila ang tunay na pangalan maging ang kanilang mga tirahan.
Nagbigay na rin ng kanyang pahayag sa pamunuan ng Makati City Police si John Paul hinggil sa insidente.
Sa salaysay ni John Paul, isa sa nakuhanan ng CCTV camera habang tumawag ng emergency sa 117 at Philippine Red Cross upang humingi ng tulong hinggil sa sinapit ni Servando habang sila ay nasa Archers Place Condominium sa Maynila.
Binanggit din ni John Paul sa mga pulis na noong Hunyo 24 ng taong kasalukuyan ay ni-recruit sila ng dalawang miyembro ng Tau Gamma Phil Fraternity na sumali sa grupo at tinatakot umano sila nito kapag hindi sila sumali dito at dahil sa takot ay sumali na lamang sila.
- Latest