Palasyo aprub sa special courts vs pork scam
MANILA, Philippines - Sang-ayon ang Malacañang sa pagtatayo ng special courts na didinig sa mga kasong may kinalaman sa pork barrel fund scam kung ito umano ang paraan upang mapabilis ang pagresolba sa mga kasong kinakasangkutan ng mga mambabatas na sabit sa scam.
Sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, wala silang nakikitang problema sa pagbuo ng special courts ng Supreme Court na ang tanging gagawin ay dinggin ang mga kasong katiwalian ang plunder partikular ang P10 bilyong pork barrel fund scam.
Idinagdag ni Valte na umaasa silang anumang magiging desisyon ng korte ay magiging daan para sa pagpapabilis ng pag-usad ng kaso.
Subalit, nilinaw din ni Valte na ipinauubaya nila sa SC ang pagdedesisyon kaugnay sa panukalang magtayo ng dalawang special courts.
Una nang hiniling ng Ombudsman sa SC noong Biyernes ang pagbuo ng dalawang Special Divisions ng Sandiganbayan na didinig sa mga kasong may kinalaman sa pork barrel fund scam.
- Latest