PNP handa na sa pag-aresto sa 3 ‘pork’ senators
MANILA, Philippines - Matapos ang pormal na pagsasampa ng kasong plunder ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na sangkot sa P10 bilyon pork barrel scam ay naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa pag-aresto sa tatlong senador.
Sinabi ni PNP–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong sa oras na bumaba ang warrant of arrest ay ipatutupad ng kaniyang mga tauhan ang pag-aresto laban sa tatlong senador.
Ayon pa kay Magalong na maging ang PNP-Custodial Center sa Camp Crame ay inihahanda na rin para pagkulungan sa tatlong senador kaugnay ng pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Pininturahan at nilinis na ang seldang naghihintay sa tatlong senador bukod pa sa inayos na ito.
Nilagyan na rin ng road blocks patungo sa PNP Custodial Center upang ipatupad ang mahigpit na seguridad sa oras na maipalabas na ang warrant of arrest at isilbi ito sa tatlong senador.
Sa sandaling arestuhin ang tatlo ay agad ang mga itong isasailalim sa mug shot, fingerprinting at booking sa PNP-CIDG bago ideretso sa PNP Custodial Center.
Sinabi naman ni PNP-cidg spokesperson C/Insp. Elizabeth Jasmin na susunod rin ang mga itong dadalhin sa PNP Crime Laboratory para maisailalim sa medical examination bago dadalhin sa kanilang selda sa PNP Custodial Center.
Ilang opisyal ang nagsabi na makulong man ang tatlong senador sa Camp Crame ay hindi ito pangmatagalan at maari rin ang mga itong ilipat sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna na depende pa sa ipag-uutos ng korte.
Sa kasalukuyan ay ira-raffle pa ng Sandiganbayan ang impormasyon na ipinadala ng Ombudsman at isasailalim sa ebalwasyon upang madetermina kung may probable cause para isyuhan na ng warrant of arrest ang mga akusado.
- Latest