Color coding tricycle sa Maynila, ipapatupad
MANILA, Philippines - Ipapatupad na ang color coding sa mga tricycle na nagyayaot sa lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Manila Vice Mayor Isko Moreno, kailaÂngan nilang ipatupad ang color coding sa mga tricycle upang malaman kung sino ang mga kolorum na patuloy na bumibiyahe sa lungsod.
Nabatid na light blue sa district 1; puti sa district 2; emerald green sa district 3; orange sa district 4; dilaw sa district 5; pula sa district 6 habang kulay gray naman sa mga private tricycle.
Sinabi ni Moreno na inatasan niya si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica upang personal na pamahalaan ang registration ng mga tricycle upang matiyak na walang anumang hokus pokus na mangyayari.
Binigyan diin naman ni Logica na nagsimula na rin silang maglagay ng mga tarpaulin sa mga city boundaries at ilang pangunahing kalsada na nagpapa-alala kung saan ipinagbabawal ang pagdaraan ng mga tricycle.
Sinabi ni Logica na hindi na rin maaaring pumasok sa Maynila ang mga tricycle mula Pasay, Makati, Caloocan, Navotas, Malabon, San Juan at Quezon City.
- Latest