6 kawani ng denr dinukot
MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang 6 na surveyors ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kabundukan ng Brgy. New Leyte, Maco, Compostela Valley kamakalawa ng hapon.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Kendrik Wong, Nico Lasaca, Chris Favila, Matthew Cua, Jonas Loredo at Tim Sabina.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon naganap ang pagdukot sa mga biktima sa liblib at bulubunduking bahagi ng nasabing lugar habang ang mga ito ay nagsasagawa ng pag-iinspeksyon kung tumatalima sa National Greening Program (NGP) ang lokal na pamahalaan.
Ang mga biktima ay pawang sub-contractors ng DENR-Manila na walang nagawa matapos na tutukan ng baril at kaladkarin patungo sa kagubatan ng mga kidnaper.
Sa kasalukuyan, ayon kay Caber ay tinutugis na ng Army’s 1001st Infantry Brigade katuwang ang PNP ang mga kidnaper.
Sinabi ni AFP –Eastmincom Commander Lt. Gen. Ricardo Rainier Cruz na sa kasalukuyan ay wala pang demand ang mga abductors na posibilidad na may kinalaman ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) bagaman patuloy pa itong iniimbestigahan.
Bumuo na rin ng Crisis Management Committee (CMC) sa pamumuno ng alkalde ng Maco para sa ligtas na pagpapalaya sa mga binihag.
- Latest