Trader kinainggitan itinumba
MANILA, Philippines - Malaki ang hinala ng pulisya na kinainggitan ang isang 42-anyos na dealer ng softdrinks sa kanilang lugar dahil malakas ang negosyo nito kung kaya’t pinagbabaril ito kamakalawa ng gabi sa San Miguel, Quiapo, Maynila.
Ang biktima na nasawi habang isinasailalim sa surgical operation ay kinilalang si Rizalde Caspillo, ng Casal St., San Miguel, Quiapo, Maynila.
Naaresto agad ang dalawang suspek na sina Esko Usman, 20, ice delivery boy, tubong Sultan Kudarat at Jaime Masla, 35, delivery boy, residente rin ng lugar.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi nang barilin ang biktima habang nakaupo at nag-aayos ng mga resibo.
Bago nalagutan ang biktima ay nabanggit pa nito sa pulisya ang utak ng pagpatay sa kanya ay isang nagngangalang Jaime.
Nabatid na pinaaalis ang puwesto ng biktima dahil sa malakas ang benta nito ng softdrinks na hindi muna nito magawa dahil hinihintay pa nito ang insentibo ng kumpanya ng softdrinks.
Nang barilin ay nagawa pang makatakbo ng biktima sa kanyang asawang si Loida at agad na sinilip sa pintuan at nakitang papatakas si Masla.
Nang bumalik umano ang mga suspek at nagtanong kay Loida kung saang ospital itinakbo at kung buhay pa ang mister ay iniligaw ito at sinabing sa Camp Bagong Diwa isinugod na ospital.
Nagulat pa umano si Loida nang pagbalik niya sa Mary Chiles Hospital ay nakita ang dalawang suspek at may isang kasama pa.
Nabatid na kahit Kristiyano umano ang biktima ay nakapagnegosyo ito sa lugar dahil nagbibigay ito ng protection money sa grupo ng Muslim.
- Latest