Ex-Commissioner ng NIC, pinagnakawan na, inutas pa
MANILA, Philippines - Utas ang dating commissioner ng National InsuÂrance Corporation (NIC) matapos na pagnakawan na ay pinatay pa ng dalawang kawatan na miyembro ng ‘Akyat Bahay Gang’ sa loob ng tahanan nito sa Bacoor City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Bacoor City Police P/Supt. Rommel Estolano ang biktima na si Atty. Eduardo Malinis, 75, biyudo at residente ng No. 331, St. Joseph Subdivision, Brgy. Panapaan III ng lungsod.
Ayon kay Estolano ang krimen ay nadiskubre ng kapitbahay ng matanda na si Danny de Jesus bandang alas-4:30 ng hapon matapos itong sumilip sa bintana ng tahanan ng biktima sa nasabing lugar.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba ng Bacoor City Police at nadatnan sa kusina si Malinis na nakagapos ng manipis na wire ang dalawang mga kamay at paa, may tali sa leeg , nakatape ang bibig at nakatakip ng damit sa ulo.
Magulong–magulo ang buong kabahayan at nakabukas ang lahat ng drawer at nakabaligtad ang mga higaan sa bahay ng matanda.
Ayon kay Estolano, naisugod pa sa St. Dominic Hospital ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival.
Sa inisyal na imbestigasyon, puwersahang winasak ng mga suspek ang pintuan ng tahanan ng biktima at nadiskubre rin na nawawala ang laptop nito at hindi pa madeterminang halaga ng pera.
Inihayag ng opisyal na may lead na ang pulisya sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek bagaman tumanggi munang idetalye ito upang hindi mabulilyaso ang dragnet operation.
- Latest