3 eksperto sa PAGASA, nagbitiw
MANILA, Philippines - Pakonti na nang pakonti ang mga eksperto ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration matapos na magbitiw ang tatlong tauhan dito para magtrabaho sa ibang bansa.
Ang nagbitiw sa kanilang puwesto ay sina Bernie De Leon at Ralph Ricahuerta, kapwa weather forecaster at Ralph Suquila, communications engineer.
Ayon kay Ramon Agustin, presidente ng Philippine Weathermen Employees Association (PWEA) nagbitiw ang tatlo sa puwesto at umalis na noong Linggo matapos na sila ay pinirata ng Qatar Bureau of Meteorology.
Sinasabing noong isang taon pa nais mag resign ng tatlo sa ahensiya, pero hindi itinuloy dahil pinangakuan sila ng gobyerno na maibibigay ang kanilang benepisyo, subalit dahil inabot na ng anim na buwan ay hindi naibibigay ang kanilang hazard pay, nagdesisyon ang mga itong lisanin ang ahensiya.
Malaki anya ang kawalan ng tatlo sa ahensiya dahil si De Leon ang isa sa mga gumagawa ng rainfall warning system, habang si Ricahuerta ay nakadestino sa aviation meteorology service sa NAIA habang si Suquila ay isa sa mga namamahala ng doppler radar at met satellite system.
May apat pang weathermen ang pinipirata sa Middle East pero tinanggihan ang alok.
Magugunita na marami na ding bilang ng mga eksperto sa PAGASA ang iniiwan ang puwesto sa ahensiya dahil sa mababang sahod at hindi naipagkakaloob ang benepisyo.
Nagsasabi na nade-demoralize umano ang karamihan sa kawalan ng tulong ng pamahalaan na maipagkaloob sa kanila ang benepisyo at maitaas ang sahod sa kabila na ang mga empleyado sa mga government owned and controlled corporation ay sobrang taas ng sahod at milyong halaga pa ang mga benepisyo.
- Latest