Tatalakay sa Bangsamoro bill Kamara bubuo ng Adhoc Committee
MANILA, Philippines - Bubuo ng Adhoc Committee ang Kamara na siyang tatalakay sa Bangsamoro bill sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara.
Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, sa sandaling matanggap na nila ang panukala ay agad silang magtatatag ng komite para otomatikong i-refer ang panukala upang hindi na maging magulo dahil sa madaming komite ang maaaring tumalakay dito tulad ng committee on local government, muslim affairs at mindanao affairs .
Sinabi ni Gonzales, pipili sila ng isang abogado at constitutionalist na siyang magiging chairman ng komite at magiging miyembro ang mga kongresista mula sa Mindanao.
Nilinaw din ni Gonzales na prayoridad pa rin ng Kamara ang inihaing pag amyenda sa economic provision ng Konstitusyon ni House Speaker Feliciano Belmonte.
Inihayag ni Gonzales, kailangan maipasa sa plenaryo ang Bangsamoro bill bago umakyat ang budget deliberation sa Setyembre.
Inaasahang gagawin certified urgent ni Pangulong Aquino ang Bangsamoro bill subalit hindi matiyak ni Gonzales kung gaano karami ang magtatanong at kung gaano kahaba ang mga tanong dito sa sandaling sumalang na ang panukala sa plenaryo.
- Latest