Sunog sa Caloocan, Malabon at Port Area: 1 patay, 10 sugatan, 1 nawawala
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang lalaki, 10 ang nasugatan at isa ang nawawala sa naganap na sunog sa Caloocan City, Malabon City at Port Area, Maynila kahapon.
Ang nasawi ay kinilalang si alyas Ricky, 46, ng BMBA Compound, 2nd Avenue, Caloocan City.
Ang mga nasugatan dahil sa tinamong 2nd degree burns ay sina Antonio Duran, barangay chairman ng Brgy. 120; Cristina Navarro; Allan Pineda, at Lea Chua.
Sa ulat dakong alas-5:25 ng hapon nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Jojo Esperida na mabilis na kumalat dahil sa pawang yari sa light materials ang mga bahay sa lugar.
Aabot sa 500 kabahayan ang natupok habang nasa higit 1,000 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Samantala, isang ElizaÂbeth Villegas na isang paralitiko ang iniulat na nawawala matapos na sumiklab ang sunog sa Palmario Pilapil St., Brgy.Tonsuya, Malabon City na ikinatupok ng 300 kabahayan kahapon ng alas-12:30 ng madaling-araw.
Nasugatan naman sina Virginia Baldebiso, 66; mister na si Domingo,67;Antonio Sidayon, 76; Janno Criss Baldebiso, 22; Servino Tremposa, 70; Rinty Marquez, 19.
Sa kasalukuyan ay hindi batid kung saan bahay nagsimula ang apoy na naapula dakong alas-5:00 ng umaga.
Naabo naman ang ilang tindahan ng mga surplus appliances sa Roberto Oca St., Port Area Maynila nang masunog ang gusaling kinatitirikan kahapon ng alas-11:30 ng umaga.
Nabatid na mula sa shop ng isang alyas Rashid ay gumapang ang apoy hanggang sa mga kalapit na establisyimento sa pagitan ng Philippine Red Cross (PRC) annex at Manila Police District Traffic Enforcement Unit.
May naputol umanong kable sa pinagkukumpunihan ng mga second hand refrigerators na nahulog sa lona kaya umano nagkasunog.
- Latest