10K allowance ng mga pulis Maynila, aprub na
MANILA, Philippines - Aprub na at anumang oras ay maaari nang matanggap ng mga pulis sa Manila Police District (MPD) ang P10,000 allowance mula kay Mayor Joseph Estrada.
Ito’y matapos na ipasa ng konseho ng Maynila resolution No. 130 na nagbibigay ng awtoridad kay Estrada na gamitin ang kanyang Special Activities Fund sa ilalim ng Non-Office Expenditures (Statutory and Contractual Obligations).
Nabatid na hiniling ni Secretary to the Mayor Atty. Edward Serapio sa pamamagitan ng isang sulat kay Presiding Officer at Vice Mayor Isko Moreno ang adaption ng resolution hinggil sa paggamit ng special activities fund ni Estrada bilang allowance ng mga pulis Maynila.
Sa desisyon ng konseho ng Maynila, agad na ipinasa ang resolusyon kung saan maaaring maglabas ng P29,580,000 si Estrada mula sa kanyang special actiÂvity fund para naman sa financial assistance o allowance ng mga pulis. Ang P10,000 ay quarterly matatanggap ng mga pulis.
Paliwanag naman ni Majority Floor Leader at 2nd District Councilor Marlon Lacson, idinadaan ni Estrada ang lahat ng gagastusin sa konseho upang maiwasan ang anumang pagkuwestiyon lalo na ng Commission on Audit (COA).
Aniya, nagiging maingat lamang si Estrada sa mga inilalabas na pondo at sinunod lamang nito ang tamang proseso kung saan ang lahat ng expenses ay kailangan na may resolution.
Naniniwala naman si Moreno na makakapagpataas ng moral ng mga pulis ang P10,000 allowance dahil indikasyon lamang ito na prayoridad din ni Estrada ang kanilang kapakanan.
Sinabi ni Moreno na dapat suklian ng mga pulis ng totoong serbisyo sa mga Manilenyo at dedikasyon sa trabaho ang mga ginagawa ni Estrada upang maibalik ang tiwala ng publiko.
- Latest