Hepe ng Tanza, sibak
MANILA, Philippines - Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Tanza Police, hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng pagkakapatay sa lady reporter ng Remate na si Rubylita Garcia kamakalawa sa Bacoor City, Cavite.
Kinilala ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng Public Information Office ng PNP ang nasibak na hepe na si Supt. Conrado Villanueva.
Ipinaliwanag ni Sindac na hindi direktang suspect si Villanueva sa krimen bagaman aminado na nakaaway nito at personal na nakasagutan ang biktima ilang araw bago naganap ang krimen.
Si Garcia, 52 anyos, reporter ng Pilipino Times at Remate tabloid, Pangulo ng CAMPO Press Corps ay napaslang sa loob ng bahay nito sa Bacoor City, Cavite kamakalawa.
Bumuo na rin ng Task Group (SITG) sa pamumuno ni Cavite Police Provincial Office Director P/Sr. Supt. Joselito Esquivel upang tutukan at resolbahin ang kaso ng pagpatay kay Garcia.
Sa ngayon ay nagpalabas na rin ng cartographic sketch ang Cavite Police sa isa sa dalawang salarin at patuloy na nangangalap ng impormasyon na tutukoy sa pagkakakilanlan nito para mabigyan ng hustisya ang biktima.
Samantala, sakaling mapatunayan na may kinalaman sa trabaho ang pagpatay kay Garcia ay ito ang pang-20 sa mga pinaslang na media sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
- Latest