Opisyal ng PPA inireklamo
MANILA, Philippines - Dahil sa ginawa nitong pagmumura sa mga driver at sekyu ng Star Group of Publication sa Port Area, Maynila kamakailan ay kakasuhan ng harassment ang isang opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA).
Sa isang pahinang reklamo ni Dennis Beltran, Chief Security ng The Philippine Star, PSN, PM, PhilStar Daily Inc., na ang pangyayari ay naganap alas-12:50 ng madaling-araw noong Pebrero 26 nang dumating sa harap ng publication ang isang kulay puting Adventure na walang marka at wala ring plate number na minamaneho ni Alejandro Tan, opisyal ng PPA na nakatalaga sa Resource Management Division (RMD).
Si Tan ay may dalaÂwang kasama na nakasibilyan at ilang minuto ang lumipas ng dumating ang tinawagan niyang 12 sekyu ng Lockheed Security Agency na pawang armado ng shotgun at 9mm na baril na mistulang makikipagbarilan.
Naka-short pants, laÂsing at arogante umano si Tan nang iharang niya sa kalsada ang kanyang sasakyan at pilit na pinapaalis ang mga delivery trucks ng Philippine Star at ang mga sasakyan ng mga ahente ng diyaryo na nakaayos namang nakaparada at hindi nakakaistorbo dahil sa madaling-araw na.
Nagsisigaw at pinagmumura umano ni Tan ang mga sekyu at driver ng publication saka kinalampag ang mga truck at pilit na pinapaalis at nagbantang susunugin niya ang mga ito kapag hindi siya sinunod.
Upang hindi na lumaki pa ang gulo ay kinausap na lamang ni Beltran ang kanilang mga driver na sumunod at pansamantalang umalis habang mainit ang ulo ni Tan.
Isunimite ni Beltran ang reklamo kay Engr. Constante Farinas Jr., Port District Manager ng PPA, pero wala man lamang umanong ginawang aksiyon.
Kaya’t napilitan si Beltran na iakyat ang reklamo kay PPA General Manager Juan Sta Ana na nag-utos na ng imbestigasyon sa nasabing reklamo.
- Latest