Pagpatay sa Caloocan chairman hiniling ng LBP na masusing imbestigahan
MANILA, Philippines - Magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa pagpatay sa barangay chairman sa Caloocan City noong Martes ng umaga.
Ito ang hiling ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Atty. Edmund Abesamis sa Philippine National Police (PNP) kasabay ng pakikiramay nito sa pamilya ng napaslang na si Chairman Pedro Ramirez, 57-anyos ng Brgy. 183, Amparo ng naturang lungsod.
Anya, nararapat lamang na bigyan ng pansin ng PNP ang ginawang pagpatay kay Ramirez dahil hindi ito ang unang may nangyaring pagpatay o pananakit sa opisyal ng barangay sa Caloocan City.
Matatandaan na naganap ang pagpatay kay Ramirez noong Martes dakong alas-7:45 ng umaga sa harapan ng Amparo Hardware and Construction Supply na matatagpuan sa Gate 2, Amparo Subdivision, Quirino Highway ng lungsod.
Kasalukuyang nakatayo ang biktima sa harapan ng naturang hardware nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang kalalakihan na sakay ng motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril si Ramirez.
Bukod kay Ramirez ay naunang napatay si Chairman Alejandro Bonifacio ng Barangay 163 na pinagbabaril din ng riding-in-tandem sa Baesa, Caloocan City noong Marso 2 ng kasalukuyang taon.
Noong nakalipas namang Sabado (March 22) nang pagbabarilin din si Kagawad Luisito Banzon, 37- ng Brgy. 187, Tala ng suspek na nakamotorsiklo habang ito ay nagbababa ng bigas mula sa sasakyan na naging dahilan kaya’t hanggang ngayon ay inoobserbahan pa ito sa Jose Rodriguez Hospital.
Napag-alaman na sina Ramirez at ang dalawa pang naging biktima ay mga tagasuporta ni 1st District Congressman Enrico “Recom†Echiverri kaya’t pinasisilip ng mga residente ang anggulong politika.
- Latest