PMA Cadet Cudia hindi na ga-graduate
MANILA, Philippines - Hindi na makakasama sa graduation rites sa darating na Marso 16 si Cadet Aldrin Jeff Cudia matapos na pagtibayin ng PMA Cadet Review and Appeals Board (CRAB) ang resulta ng imbestigasyon ng Honor Committee na iniutos ang dismissal o pagpapatalsik dito dahilan sa paglabag umano sa Cadet Honor Code.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesman Major Gen. Domingo Tutaan Jr., nakitaan ng ‘regularidad’ ng review board ang ipinataw na kaparusahan ng Honor Committee na binubuo ng mga kasamahang kadete ni Cudia sa nasabing isyu.
Una nang umalma ang pamilya ni Cudia na dapat sanay No. 2 sa kabuuang 223 magsisipagtapos ng PMA Class 2014 at top sa Navy Class sa umano’y mabigat na kaparusahan na ipinataw laban dito na ayon sa mga ito ay nag-ugat sa pagkahuli ng 2 minuto nito sa klase sa isa sa kaniyang mga aralin.
Sinasabing hindi naibigan ng Honor Committee ang naging paliwanag ni Cudia sa pagsisinungaling umano nito sa pagkahuli sa klase na isang paglabag sa Honor Code na ‘do not lie, do not steal at do not cheat’ na mahigpit na sinusunod sa PMA.
Magugunita na dahilan sa pagputok sa facebook at iba pang social networking site ng kaso ni Cudia na isiniwalat ng kapatid nitong babae na si Annavee Cudia ay ipinag-utos ni AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista ang pagrerebisa sa kaso nito na inoobserbahan at ipinatutupad ng AFP ang proseso ng “rule of law’.
- Latest