2 Pinoy utas sa Doha gas blast
MANILA, Philippines - Dalawang Pinoy ang nasawi habang dalawang kasama ang malubhang nasugatan sa pagsabog ng isang tangke ng gas sa isang Turkish restaurant sa Doha, Qatar kamakalawa.
Sa report ni Ambassador Crescente Relacion ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar sa DFA, kinumpirma na dalawang Pinoy ang kabilang sa 12 katao na nasawi sa pagsabog.
Kinilala ni Ambassador Relacion ang isa sa dalawang OFW na nasawi na si Romar Faduhilao habang tumangging pangalanan pa ang tatlong biktima habang ipinaalam nila ang insidente sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na kabilang sa may 30 kataong sugatan sa insidente ang dalawang OFW na nasa mabuti nang kalagayan at nagpapagaling sa Hamad General Hospital sa Doha.
Nagpadala na ng welfare officer ang Embahada sa nasabing ospital kung saan nakalagak ang bangkay ng dalawa at upang magbigay ng assistance sa dalawa pang sugatan.
Ang mga OFWs na nadamay sa pagsabog ay pawang merchandizer ng Carrefour Supermarket sa loob ng Landmark mall na kalapit ng sumabog na Istanbul Restaurant.
Inihayag naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimzon na tatanggap ng tig-P200,000 death benefits at P20,000 burial benefits ang pamilya ng mga nasaÂwing OFW kung sila ay miyembro ng OWWA.
- Latest