Sanggol ni-rape ng ama
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Taytay Rizal police ang isang ama dahil umano sa ginawa nitong panggagahasa sa kanyang sariling anak na 9 na buwang gulang pa lamang.
Kinilala ni Sr. Supt. Rodolfo Anduyan, director ng Rizal PNP ang suspek na si Rodolfo Valle Jr., 34, nakatira sa bundok ng Bahahi, Sitio Tupay, Barangay San Juan, Taytay, Rizal.
Ayon sa ina ng biktima na si Elena, dinala niya sa isang klinika sa kanilang lugar ang sanggol noong Lunes dahil nakita nitong namamaga at nangingitim ang ari ng kanyang anak.
Agad namang isinailalim sa medical examination ang sanggol at nakita ni Chief Inspector Maria Anna Lisa Dela Cruz ng PNP crime laboratory na may sugat ang ari ng bata na posibleng ginahasa.
Dahil doon ay agad na humingi ng tulong si Elena sa mga awtoridad at kanyang ipinaaresto ang kanyang live-in-partner.
Kusang loob naman sumama sa mga awtoridad at kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) ang suspek pero kanyang itinatanggi na ginahasa niya ang kanilang sariling anak.
Gayunman, disidido si Elena na sampahan niya ng kasong statutory rape sa Rizal provincial prosecutor’s office ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa Taytay police station.
- Latest