Florida bus kakasuhan ng carnapping
MANILA, Philippines - Kasong carnapping ang posibleng kaharapin ng kumpanya ng Florida Bus Transit na ang isang bus ay nahulog sa bangin sa Bontoc, Mt. Province na ikinasawi 14 katao at pagkasugat ng mahigit 30 pa.
Ito ang sinabi ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Spokesperson P/Sr. Supt. Elizabeth Velasquez na kanilang ibinatay sa probisyon ng Republic Act (RA) 6539 Anti Carnapping Law ang pagpapalit ng plate number ay maituturing na elemento ng carnapping.
Magugunita na nadiskubre ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi para sa nadiskaril na GV Florida ang plate number na nakakabit dito at sa halip ay nakarehistro pala ito sa isang bus na pag-aari naman ng Mt. Province Cable Tours na nakapangalan sa isang Norberto Que Sr.
Magugunita na nahulog sa may 120 metrong bangin ang isang unit ng GV Florida bus na may nakakabit na plakang TXY-872, gayong ang orihinal nitong plaka ay BVN-844 na tinatawag na kambal plaka.
Ayon sa opisyal na hindi ito ang unang pagkakataon ng ganitong kaso ng kambal plaka dahilan talamak umano itong gawain ng mga tiwaling kumpanya ng bus na bumibiyahe sa iba’t-ibang mga probinsya.
- Latest