Bus bombing nasilat
MANILA, Philippines - Dahil sa pagiging alerto ng mga pasahero ay nasilat ang pagbomba sa isang bus nang madiskubre ang isang kahon ng bomba na inilagay sa likuran ng bus kamakalawa sa Brgy. Lipata, Surigao City.
Sa ulat, dakong alas-10:00 ng umaga nang magresponde ang Explosives Ordnance Division (EOD) team sa lugar matapos mapaulat ang inabandonang kahinahinalang kahon sa PP Bus Line (TOC 681) na galing Davao City.
Sa salaysay ng pasahero na si Wennie Oscar, 23, dakong alas-8:30 ng umaga nang mapuna niya ang inabandonang kahon na iniwan ng isang lalaking sakay na nakasuot ng kulay abong pekeng Lacoste t-shirt na nagmamadaling bumaba ng bus.
Ang nasabing kahon ay inilagay sa hulihang bahagi ng bus na patuÂngong Luzon na nakatakdang itawid lulan ng barko sa karagatan mula Lipata, Surigao City patungong Benet, San Ricardo, Leyte.
Nabatid na nag-stop over sa isang “Tatzkie Meal Stop†sa Brgy. Lipata ang bus para mag-agahan ang mga pasahero at habang paakyat na muli sa bus ay napuna naman ng isa pang pasahero na si Moni Torena, 77 ng Silago, Southern Leyte na nagsisimula ng umusok sa hulihan ng bus ang kahon.
Agad namang sinuri ng bus driver na si Ruel PaÂnuncio ang pinagmumulan ng usok at ng makitang nagmumula ito sa isang kahon na inabandona sa hulihan ng bus ay binuhat ito ng driver saka inilagay sa ‘safe area’ sa tabi ng national highway.
Nagresponde naman ang EOD team kasama ang Coast Guard K9 units at nadetonate ang laman ng kahon na napatunayang isang uri ng IED na bomba
Ang bomba ay ginamitan ng gasolina na tinunaw sa pintura bilang main charge, may detonating cord, time fuse, improvised firecracker fuse, isang galon ng plastic container na inilagay sa kahon ng alak.
Extortion ang sinisilip na anggulo ng pulisya sa bigong pagpapasabog.
- Latest