MANILA, Philippines - Umabot na sa 125 ang bilang ng mga pasyente na tinamaan ng tigdas dito sa Olongapo City habang bumaba naman ang bilang ng mga na-admit dito.
Sa datos ng James L. Gordon Memorial Hospital, 15 na lamang ang nakaconfined, 60 ang nasa talaan ng out-patient-department at 50 katao naman ang na-discharged at tiyak na ligtas na mula sa sakit na ito.
Nilinaw naman ni James L. Gordon Memorial Hospital Administrator Jesse Jewel Manuel na wala pang namamatay dahilan sa tigdas taliwas sa una nilang ipinalabas na balita na may isang namatay noong January 18, 2014.
Wala anya na dapat ipangamba ang mamamayan ng Olongapo sapagkat nakapaghanda na sila sa posible pang pagdami ng pasyente dahilan sa tigdas.
Inihayag pa ni Dr. Manuel na rubiola virus ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng tigdas na ang mga sintomas nito ay pamumula ng mata, mataas na lagnat at pamamantal na magsisimula sa ulo pababa. Dapat komunsulta sa doctor ang sinumang makaramdam ng ganitong sintomas upang maagapan at maiwasan ang kumplikasyon tulad ng paghina ng baga o pneumonia na maaaring maging sanhi ng kamatayan.