Sen. Revilla, magsasalita na sa pagkakadawit sa pork barrel scam
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Sen. Ramon Revilla Jr. na magsasalita na siya ngayon sa pamamagitan ng privilege speech sa Senado matapos siyang idawit sa pork barrel scam noong nakaraang taon.
Sasagutin ni Sen. Revilla ang mga akusasyon laban sa kanya kaugnay sa pork barrel scam sa kanyang privilege speech ngayong hapon.
Hindi nagbigay ng detalye sa kanyang privilege speech ang senador pero tiniyak nitong isa-isang sasagutin ang akusasyon sa kanya na nakinabang siya sa pork barrel na idinaan sa bogus NGO ng kontrobersyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles na sinasabing utak ng P10 bilyong pork barrel scam.
Nanahimik noon si Revilla at sinabing magsasalita siya sa tamang ora’s kasabay ang kahilingan sa taumbayan na unawain siya sa isyu matapos akusahang nagbulsa ng P224.51 milyong kickbacks.
Aminado ang senador na lugmok siya dahil sa isyung kinasasangkutan pero iginiit na babangon siya kasama ang pamilya at lilinisin ang kanyang pangalan.
Una nang nagbigay ng kanilang talumpati sina Sen. Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada na kasama ni Revilla na kinasuhan ng plunder sa Ombudsman noong 2013.
- Latest