Dalagita todas sa tandem
MANILA, Philippines - Todas ang isang dalagita makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem habang ang biktima ay nakaupo sa harap ng kanilang taÂhanan sa Mexico, Pampanga, kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rialyn Ravalo, 16, residente ng B-100 Pandacaqui, resettlement, Mexico, Pampanga.
Dead-on-arrival sa pagamutan ang dalagita dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa ulat ng Pampanga Police, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-8-:50 ng umaga habang ang biktima ay nakaupo sa harapan ng kanilang tahanan nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Sinasabing pumarada ang dalawang salarin sa harap ng biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.
Duguang bumagsak ang dalagita habang ang mga suspek ay mabilis na tumakas patungo sa direksiyon ng Magalang, Pampanga.
Sinikap pang isugod sa pagamutan ang biktima ng kanyang mga kaanak pero idineklara na itong dead-on-arrival.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo ng krimen kabilang na ang anggulong atraso ng isa sa miyembro ng pamilÂya ng dalagita sa mga suspek.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga tauhan ng pulisya sa Mexico, Pampanga upang maaresto ang mga salarin.
- Latest