Driver ng trader, gunman todas sa ambush
MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng dalawang armadong kalalakihan ang sasakyan ng isang biyudang negosyante habang papasok sa subdivision na ikinasawi ng driver at isang gunman kamakalawa ng gabi sa Brgy. Kinasang-an, Cebu City.
Sa ulat ng Cebu City Police, dead-on-arrival sa pagamutan si Wolfrando Pagador, 47-anyos driver ng negosyanteng si Amor Pelenia, 52 dahil sa apat na bala na tinamo.
Nasawi rin ang isang hindi pa nakikilalang gunman matapos na magawang mabaril ng bodyguard ni Pelenia na si Angelo Alega.
Sa imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng gabi habang minamaneho ni Pagador ang Pajero na kinalululanan ng among si Pelenia kasama ang bodyguard na si Alega papasok sa Greyhound Subdivision nang lapitan ng dalawang suspek at pagbabarilin na kung saan napuruhan si Pagador.
Nasugatan naman sina Pelenia at Alega na kapwa nakaupo sa hulihang bahagi ng sasakyan na kung saan ay nagawang bunutin ng huli ang kaniyang 9 MM pistol at gumanti ng putok sa mga suspek na ikinasawi ng isa habang nakatakas ang isa pa.
Narekober sa crime scene ang 21 mga basyo ng cal. 45 pistol at cal 9 MM gayundin ang isang helmet na sinuot ng isa sa mga suspek.
- Latest