6 nalibing nang buhay sa Dinagat
MANILA, Philippines - Anim na katao ang nalibing nang buhay habang dalawa naman ang nasuÂgatan matapos na matabunan ng gumuhong bundok ang kanilang bahay sa naganap na landslide sa Poblacion, Cagdianao, Dinagat Islands noong Lunes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Atanacio Geltura, 62 Realyn Geltura, 42; Michelle Geltura, 14; Felixberto Munoz, 34; Alqueser Muñoz, 2 at ang DPWH employee na Primitivo Morales, 33 na nagkataong nagsasagawa ng de-clogging sa baradong kanal sa lugar.
Ang mga nasugatan na mabilis namang isinugod sa pagamutan ay nakilala sina Renz Anthony Geltura, 6 at Jose Cabilan, 33.
Sa pahayag ni Jane Mayola, spokesperson ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na ang bangkay ng mga biktima ay narekober noong Lunes ng hapon matapos na magresponde ang search and rescue team ng lokal na pamahalaan.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang landslide matapos na gumuho ang mga lupa sa bundok na tumabon sa bahay ng pamilya Geltura.
Ang landslide ay sanhi ng nararanasang masamang lagay ng panahon na dulot ng low pressure area (LPA) sa ilang bahagi ng Mindanao.
Nabatid din na anim ang landslide na nangyari sa Dinagat Islands, pero lima rito ay hindi gaano ang pinsala kabilang din ang dalawang insidente sa bayan ng Basilisa kung saan bagaman wala namang nasawi at nasugatan ay daang pamilya ang inilikas.
Nasa 2,245 katao ang kabuuang inilikas bunga ng masamang panahon sa buong Dinagat Islands.
- Latest