Kahit umiiral pa ang ceasefire... 7 sundalo, 2 pulis inambus ng NPA
MANILA, Philippines - Niratrat ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tropa ng pamahalaan na kung saan ay nasugatan ang pitong sundalo at dalawang pulis sa isang ambush kahapon ng madaling-araw sa Kilometer 6, Brgy. Balit, San Luis, Agusan del Sur.
Sa ulat ni Captain Christian Uy, Spokesman ng Army’s 4th Infantry Division (ID), bandang ala-1:50 ng madaling-araw ay pabalik na ang pinagsanib na elemento ng Army’s 26th Infantry Battalion, Agusan del Sur Public Safety Company ng PNP at ilang CAFGU sa kanilang mga himpilan matapos isilbi ang warrant of arrest laban sa isang Nelson Capos, na may kasong murder sa Brgy. San Pedro, San Luis na nabigo nilang maaresto.
Dito ay nasorpresa ang tropa ng pamahalaan sa pag-atake ng mga NPA rebels na mabilis namang nagdepensa ang mga una kung saan ang palitan ng putok ay tumagal ng 45 minuto bago nagsiatras ang mga rebelde.
Ang bakbakan ay nagresulta sa pagkasugat ng pitong Enlisted Personnel (EPs) ng nasabing batalyon ng Philippine Army, isang pulis at isang CAFGU na pawang isinugod na sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Kinondena naman ng opisyal ang insidente dahilan umiiral pa rin sa kasalukuyan ang 26 araw na ceasefire na idineklara ng pamahalaan sa hanay ng CPP-NPA.
Magugunita na idineklara ng gobyerno ang ceasefire sa komunistang grupo mula Disyembre 20, 2013 na tatagal hanggang Enero 15 ng taong ito.
- Latest