Riding-in-tandem umatake... pulis, doktor, tserman inutas
MANILA, Philippines - Napatay ng riding-in-tandem criminals sa tatlong insidente nang pamamaril ang isang pulis, doktor at barangay chairman sa magkakahiwalay na lugar sa Taguig City, Muntinlupa City at Zamboanga Sibugay.
Sa Taguig City, namatay noon din ang biktima na kinilalang si PO1 Aldrin Castro, 25 ng QCPD-Public Safety Battalion at residente ng Mauling creek, Brgy, Lower Bicutan ng lungsod dahil sa tama ng bala sa leeg.
Sa imbestigasyon, dakong alas-4:10 ng madaling-araw ay lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng MRT Avenue sa Brgy. North Signal.
Nang sumapit sa kanto ng Castanas St,. ginitgit na ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motor ang pulis at binaril nang malapitan sa leeg ang biktima na nakasuot ng helmet.
Nang bumagsak ang pulis ay kinuha pa ng isa sa salarin ang baril ng pulis at tumakas.
Ganito rin ang nangyari sa biktimang si Dr. Juan Villacorta II, part-time na doctor sa Alabang Medical Center, medico legal officer ng Bureau of Corrections (BuCor) at naninirahan sa Camella Springville, Bacoor City, Cavite na nagtamo ng apat na tama ng bala sa likod at katawan.
Sa ulat, dakong alas-3:45 ng hapon sa harapan ng isang bakery sa may National Road, Brgy. Putatan ay naroon ang biktima at nurse na si Nayaflor Abe, 41, nang lapitan ng angkas sa motorsiklo at sunud-sunod na pinaputukan ng baril ang una at mabilis na tumakas.
Pinagbabaril din at napatay si Brgy. Sta. Cruz Chairman Wiliro Elisan, ng bayan ng Diplahan, Zamboanga Sibugay ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo kamakalawa sa national highway ng Buug ng nasabing lalawigan.
Isinugod naman sa Palma Hospital ang mga nasugatang biktima na sina Reynaldo Baldicasa, Brgy. Kagawad at Juanito Encallado, Brgy. Treasurer.
Sa report, alas-11:15 ng gabi ay kasalukuyang magkakaangkas sa Skygo motorcycle na minamaneho ni Baldicasa sina Elisan at Encallado nang harangin at pagbabarilin ng mga armadong salarin na sakay naman ng kulay pulang XRM Honda pagsapit sa lugar.
Narekober ng pulisya ang pitong basyo ng cal .9 M pistol at isang magazine na cal. 45 Springfield na may sampung bala na pag-aari ng nasawing biktima.
- Latest
- Trending