9 tinamaan ng ligaw na bala
MANILA, Philippines - Limang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon ay tumaas na sa siyam katao ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ulat ni PNP Spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor kabilang pa sa mga panibagong biktima ng ligaw na bala ay sina Roberto Mariano Jr., 30, ng Marikina City, tinamaan sa kanang hita; Jay Abuniawan, 17, Iloilo, tinamaan sa kanang braso; Myra Medrano, 44, Taguig City, nasugatan sa hita at Jestoni Obrador, 13, Calatagan, Batangas, nasugatan sa daliri ng paa.
Una nang iniulat ng PNP kamakalawa na lima ang biktima ng ligaw na bala habang patuloy ang paalala sa publiko na i-report sa mga himpilan ng pulisya ang mga indibidwal na masasangkot sa indiscrimate firing sa kanilang mga lugar.
Hinikayat ni Mayor na kunan ng larawan o cell phone video ang sinumang mga indibidwal na masasangkot sa indiscriminate firing upang magsilbing ebidensya sa kaso laban sa mga ito.
Sinabi pa ng opisyal na maari ring mag-text ang publiko o kaya naman ay tumawag sa numerong 09178475757 laban sa lahat ng makikita ng mga itong nagpapaputok ng armas upang maiwasan na makapambiktima ng mga inosenteng sibilyan lalo na ang mga bata.
- Latest