Paglalagay ng billboard sa Makati, hihigpitan
MANILA, Philippines - Ihahayag ngayon araw (Lunes) sa isasagawang public hearing na hihigpitan na ang mga regulasyon sa paglalagay ng mga billboards at iba pang signages sa Makati City.
Tatalakayin sa public hearing ang panukalang “Makati City Billboard and Signage Master plan 2013-2023 at pag-uusapan kasama ang mga stakeholders at publiko sa mga panuntunan sa konstruksyon, instalasyon, at pagmamantini ng mga billboards at signages.
Kasalukuyang epektibo ang City Ordinance No. 2004-A-028 na ipinasa noon pang Disyembre 14, 2004 na nagpapatupad ng moratorium sa instalasyon at konstruksyon ng mga billboards at signages sa lungsod. May P5,000 multa kada araw ang ipapataw sa mga kumpanyang lalabag sa ordinansa.
Ang Enforcement Division ng Office of Building Official ang nakatalaga na magpatupad ng ordinansa na patuloy na magiging epektibo hanggang walang bagong ordinansa na naipatutupad base sa tatalakaying masterplan para sa mga taong 2013 hanggang 2023.
Sinabi ni Makati City Mayor Junjun Binay na naniniwala siya na nagbibigay ng dagdag na ayuda sa paglago ng ekonomiya ang industriya ng advertising ngunit kailangang makuha ang tamang balanse sa pagitan ng mga negosyante at sa kapakanan ng mas nakararaming publiko na naaapektuhan ng mga dambuhalang billboards.
- Latest