Pulubi sa kalsada, huhulihin ng MMDA
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng komprehensibong operasyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang, hulihin ang mga pulubing namamalimos sa kalsada ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ito ay makaraang dumagsa na sa Metro Manila ang mga miyembro ng tribong Badjao buhat sa Mindanao na namamalimos sa mga motorista at pagdami ng mga paslit na umaakyat sa mga sasakyang pampubliko para mamasko sa mga pasahero.
Sinabi ng Street Dweller Care Unit (SDCU) ng MMDA na pinalakas nila ang kampanya ngayong panahon ng kapaskuhan. Sinabi ng pinuno nilang si Amante Salvador na nakiÂpag-ugnayan na sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ikakasang mga operasyon.
Nakabase ang kanilang kampanya sa Presidential Decree 1563 o Mendicancy Law of 1978 na nagsasaad na labag sa batas ang anumang uri ng pamamalimos sa kalsada maging ang pagbibigay ng limos. Pangunahing layunin ng batas ang maiwasan ang eksploytasyon ng mga bata, at pagbibigay ng rehabiliÂtasyon sa mga ito.
Umapela rin ito sa mga magulang ng mga bata na huwag namang hayaan ang kanilang anak sa pamamalimos dahil sa nalalantad sa panganib sa aksidente ang mga ito sa pagsampa-sampa sa mga sasakyan para maÂngaroling.
Ayon kay Salvador, nasa 148 na pulubi na ang kanilang nadampot sa lungsod ng Maynila at marami na ang nadala sa Boys Town nitong nakaraang linggo.
- Latest