Sundalo patay sa bakbakan vs NPA
MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi habang isa pa ang nasugatan matapos makipagbakbakan sa mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Barangay Namnam, San Fernando Bukidnon, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Capt. Christian Uy, tagapagsalita ng 4th Infantry Division, ang ingkwentro ay naganap alas-8:00 ng gabi.
Tumagal ang sagupaan ng 10 minuto na nagresulta sa pagkasawi ng isang private first class na sundalo na hindi pa inihayag ang pangalan dahil hindi pa alam ng kanyang pamilya at pagkakasugat naman ng isang corporal.
Ayon kay Uy, ang mga sundalo ay pabalik na sa kanilang barracks matapos ang pagpapatrulya nang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan ng mga rebelde.
Nagpalitan ng putok ang magkabilang panig, hanggang sa tuluyang umatras ang mga rebelde.
Matapos ang putukan ay nakitang wala nang buhay ang isang sundalo habang sugatan naman ang isa pa niyang kasama.
- Latest