Hepe ng MPD DAID, nasa ‘hot water’
MANILA, Philippines - Iniutos na ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Isagani Genabe Jr. na imbestigahan ang hepe at mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) makaraang ibunyag ng isang magsasaka na kinotongan umano siya at tinorture ng mga pulis matapos na siya ay arestuhin sa isang fastfood restaurant sa Ermita, Maynila, noong Nobyembre 14, 2013.
Sa sumbong ng biktimang si Traquilino Lapuente, isang magsasaka sa Isabela, danakip umano siya ng mga pulis na nagpakilalang taga MPD-DAID dahil umano sa pagdadala ng bawal na gamot at pilit siyang hinihingan ng P5-milyon kapalit ng kanyang kalayaan.
Itinanggi ng complainant na may dala siyang iligal na droga subalit ikinulong pa rin sa MPD-DAID detention cell nang mabigo siya ng makapagbigay ng malaking halaga, hanggang sa ibinaba sa P200,000, at pag-prenda sa titulo ng kanyang lupa.
Isinalang ang biktima sa inquest proceedings at ang naging desisyon ay ’release for further investigation’, at hindi na kailangang magpiyansa.
Ang reklamo ng complainant, hindi umano niya makuha ang titulo ng kanyang lupa sa mga pulis.
Lumapit sa media ang complainant, partikular kay Ricky Velasco ng DZMM para makuha ang panig ng mga pulis sa DAID subalit walang lumulutang at ayaw magbigay ng kanilang pahayag.
Hindi rin matagpuan ng sumulat ng balitang ito ang hepe ng DAID na si Chief Insp. Joselito Desesto para makuha ang kanyang panig.
Nais din sanang alamin ng reporter na ito kung may katotohanan na hindi ‘organic personnel’ ng MPD-DAID, ang mga nanghuhuli sa drug operation ng kanilang unit, na kinabibilangan nina PO1 Arthur Cordero alyas “Balbonâ€, at iba pang pulis na nagsisilbing operatiba na sina PO2 Palapal, PO2 Yumol, PO1 Silva, PO1 Alfonso at 2 babae.
Ayon kay Gen. Genabe, hindi niya papayagang magpatuloy ang ganitong kalakaran sa MPD, kaya pinatatawag na niya ang mga sangkot sa sinasabing extortion raket.
- Latest