Lady reporter inutas, lover nag-suicide
MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng isang port police ang kanyang live-in partner na radio reporter matapos ang mainitang pagtatalo dahil sa selos bago nito kinitil ang kanyang buhay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Bugo, Cagayan De Oro City.
Namatay noon din ang biktima na si Maricel Pamisa, 32-anyos, reporter sa DXRU Radyo Ultra at residente ng nasabing lugar.
Nagtamo ang biktima ng anim na tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa likod na naglagos sa kaniyang dibdib.
Namatay din ang suspek na si Clemente Rosales Jr., 61-anyos, port police nang magbaril ito sa ulo matapos mapatay ang biktima.
Sa ulat na tinanggap ni Cagayan de Oro City Police Director P/Sr. Supt. Graciano Mijares, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng maglive-in partner sa Zone 6, Old Water District, Brgy. Bogo ng lungsod.
Nabatid na bago nangyari ang krimen ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa dahil sa matinÂding pagseselos ng suspek na pinaghihinalaan ang biktimang babae na may kalaguyo dahilan sa palagi itong ginagabi at nakapustura sa tuwing lalabas.
Narinig ng mga kapitbahay ang katuwiran ng biktima na kailangan nito sa trabaho ang magpaganda at walang sinabi sa suspek na wala siyang kalaguyo.
Hindi umano naniwala ang suspek at ilang saglit sunud-sunod na putok ng baril ang kanilang narinig na tumapos sa buhay ng biktima at matapos ay nag-suicide naman ang suspek.
Nasamsam ng mga otoridad sa crime scene ang pitong basyo ng bala ng cal.45 pistol, limang cartridge at 9 pang live ammunition.
- Latest