3-5 taon aabutin ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda
MANILA, Philippines - Inihayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario na posibleng tumagal ng 3 hanggang 5 taon ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng super bagyong Yolanda.
Nabatid kay Del Rosario, isinasaayos na ng pamahalaan ang ‘master plan’ para sa rehabilitasyon upang makabangon ang mga lalawigan sa Visayas Region partikular na sa Leyte at Samar.
Samantala, iniulat din ni Task Force Cadaver Commander P/Sr. Supt. Pablito Cordeta na patuloy ang pagtaas ng mga narerekober na bangkay sa Tacloban City matapos ang karagdagang 34 bangkay na nakuha kaya’t simula noong Nobyembre 15 hanggang nitong Nobyembre 27 ay nasa 2,038 na ang narerekober na bangkay sa lungsod.
Sa tala ng NDRRMC, nasa 5,560 na ang death toll sa mga naapektuhang lugar at nadagdag pa dito ang 60 karagdagang nasawi sa Eastern Visayas.
- Latest
- Trending