MANILA, Philippines - Durog ang ulo at katawan ng isang 58-anyos na helper mechanic matapos na magulungan ng fire truck na kanyang kinukumpuni nang paandarin ng kanyang chief mechanic kamakalawa ng hapon sa Malabon City.
Ang nasawi ay kinilalang si Dominador Laguerta, ng Javier St., Barangay Baritan ng naturang lungsod.
Ang suspek na dinakip ng pulisya ay nakilalang si Anastacio Espeñol, 50, ng Nicolas St., Barangay Niugan ng naturang siyudad at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:00 ng hapon sa kanto ng G. Soriano at N. Nicolas Sts., ay kasalukuyang kinukumpuni ng biktima at suspek ang fire truck ng San Antonio De Padua Fire and Rescue Volunteer Brigade (CRW-237).
Habang kinukumpuni ng biktima ang preno ng fire truck sa hulihan ay bigla umano itong pinaandar ng suspek at dahil sa palusong ang kalsada ay hindi napigilan ang pagdausdos hanggang sa nagulungan ang biktima.