Sa panggigipit kay Pacquiao...Yolanda survivors dismayado sa BIR

MANILA, Philippines - Nadagdagan pa ang pighati ng mga survivors ng bagyong Yolanda sa lalawigan ng Samar at Leyte partikular na ang Tacloban City dahil sa umano’y panggigipit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kanilang idolong si Pambansang Kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao.

Ito ang inihayag ng isang security official  na tumangging magpabanggit ng pangalan  na isa sa nagsusuperbisa sa relief at humanitarian assistance sa Tacloban City  para sa mga survivors ni Yolanda.

“Yung mga survivors dito, dismayadong disma­yado talaga sa BIR, bakas na bakas nga sa kanilang mukha ang lungkot, in fact they are expecting the boxing champion to visit and deliver relief goods on them but because na –freeze ang  bank account ni Pacman ay tila made-delay”, ayon sa opisyal sa phone interview.

Anya, sa kabila ng pinagdaanang delubyo ng mga survivors ni Yolanda sa Tacloban City ay mistulang napawi ito at nakita sa mga mukha ng mga ito ang pagkabuhay ng pag-asa matapos na matalo ni Pacman sa boxing match si American boxer Brandon Rios noong Nobyembre 23 ng gabi (Sabado), Linggo ng umaga sa Pilipinas.

Nangako si Pacman na bibisita sa mga survivors sa Samar at Leyte partikular na sa Tacloban City na grabeng sinalanta ni Yolanda para maghatid ng relief goods at tulong sa mga biktima ng kalamidad.

Sanhi ng problemang kinakaharap at problema ni Pacman sa P2.2 bilyong tax evasion case sa BIR, sinabi ng opisyal  na hindi pa nakikipagkoordinasyon ang mga staff ng solon sa mga local executives, PNP at AFP para sa nasabing pagtungo ng boxing hero sa Tacloban City.

Show comments