Special Brgy. election sa Bohol at Zambo isasagawa bukas
MANILA, Philippines - Handa na ang pamunuan ng Commission on Elections (COMELEC) sa idaraos na special barangay elections sa lalawigan ng Bohol at Zamboanga City, bukas, Nobyembre 25.
Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr., kumpleto na ang mga gagamitin sa halalan tulad ng mga election paraphernalia, mga polling precinct, gayundin ang mga guro na magsisilbing election staff.
Sinabi ni Brillantes, handa na rin ang kapulisan kahit wala namang banta sa seguridad ng halalan upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang special elections.
Sina COMELEC Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph ang mangangasiwa ng special barangay polls sa Bohol habang si Brillantes at sina Commissioners Al Parreno at Grace Padaca sa Zamboanga City.
Matatandaang ipinagpaliban ng poll body ang barangay elections sa Bohol na tinamaan ng magnitude 7.2 lindol noong Oktubre 15 habang hindi naman natuloy ang eleksiyon sa Zamboanga City dahil sa sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni dating ARMM Gov. Nur Misuari.
- Latest