88 suspek sa Maguindanao masaker, tinutugis pa
MANILA, Philippines - Inihayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na patuloy pa nilang tinutugis ang 88 pang suspek sa malagim na Maguindanao masaker noong 2009 na kumitil sa buhay ng 57 katao at 32 sa mga biktima ay mga mamamahayag.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director P/Chief Supt. Francisco Uyami, sa taong ito ay walo lamang sa mga suspek ang karagdagang nasakote.
Patuloy naman ang pagsigaw ng hustisya ng pamilya at mga kaibigan ng mga nasawi kabilang ang mga kamag-anak at mga mahal sa buhay ng 32 mediamen na nadamay sa masaker sa Brgy. Salman Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Sinabi ni Atty. Harold Roque, abogado ng pamilÂya ng mga biktima na idudulog nila sa United Nations ang kaso upang makakuha ng kompensasyon dahil mabagal umano ang hustisya sa ilalim ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, patuloy namang isinasailalim sa paglilitis ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang mga pangunahing akusado na sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr, dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., daÂting ARMM Governor Zaldy Ampatuan at iba pang miyembro ng kanilang maimpluwensyang angkan na itinuturong mastermind sa masaker.
Nasa 108 na suspek na ang nasasakote ng tracker teams ng PNP sa pangunguna ng PNP-CIDG sa mga sangkot sa masaker.
- Latest