1 pang OFW na bibitayin sa Saudi, sasagipin
MANILA, Philippines - Sasagipin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isa pang Overseas Filipino Worker (OFW) na nakatakda ring bitayin anumang araw ngayong buwan dahil sa pagpatay sa kanyang amo sa Saudi Arabia.
Sinabi ni DFA Spokesman Raul Hernandez, gumagawa na ng hakbang ang pamahalaan upang sagipin sa takdang pagbitay ang OFW na si Carlito Lana na bumaril at pumatay sa kanyang employer, noong Disyembre 2010.
Ang hakbang ng pamahalaan ay nauna pa sa paÂnawagan kamakalawa ng ina ni Lana kay Pangulong Benigno Aquino III na sagipin ang kanyang anak sa takdang pagbitay ano mang oras sa Saudi.
Sa kabila ng pahayag ng DFA na ayaw tumanggap ng blood money ang pamilya ng biktima, naglalatag pa rin sila ng representasyon upang mahimok ang mga ito na pagbigyang makaligtas sa kamatayan ang nasabing Pinoy.
Sa rekord ng DFA, si Lana ay nagtungo sa Saudi noong 2008 bilang utility boy sa isang hotel sa Riyadh subalit nag-iba ng employer noong 2010.
Dahil dumanas ng pagmamaltrato at pang-aabuso sa kamay ng huling employer ay nagpaalam siya na aalis matapos ang tatlong buwan na paglilingkod na ikinagalit umano ng amo.
Naging marahas umano ang nasabing employer nang sabihin ni Lana na pupunta siya sa embassy hanggang bunutan siya ng baril pero naagaw umano ng Pinoy at napatay nito ang biktima.
- Latest