3 lola patay sa sunog
MANILA, Philippines - Patay ang tatlong lola at isa pa ang nasugatan makaraang ma-trap sa sunog na naganap sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Benilda Dionisio, 68; Lily Aguilar, 53 at Neri Aguilar, 55 na pawang residente ng #604 Makisig St., Bacood, Sta. Mesa, Maynila.
Habang ang sugatan ay si Ryan Dionisio, nasa hustong gulang na ngaÂyon ay ginagamot sa hindi na tinukoy na pagamutan.
Nabatid sa Bureau of Fire Protection sa Maynila na ang sunog ay nagsimula dakong ala-1:19 ng madaling araw sa bahay na pag-aari ng isang Leopoldo Dionisio, negosyante at may-ari ng Leonille’ Meat Shop & Meat Products.
Nagtagal ng mahigit isang oras ang sunog bago tuluyang naapula ganap na alas-2:50 ng madaling araw at umabot sa ika-5 alarma.
Matapos ang sunog ay doon nakuha ang labi ng mga biktima kung saan ang bangkay ni Lily ay natagpuan sa kuwarto nito sa unang palapag ng bahay habang ang bangkay nina Neri at Benilda ay nakita sa ikalawang palapag.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SFO3 Joseph Jaligue, nabatid na ang sunog ay nagsimula sa ikalawang palapag na tahanan ng pamilyang Dionisio at mabilis na kumalat sa kabuuan ng nasabing bahay.
Sinasabing nagsimula ang apoy sa may basement ang nasunog na tahanan na ginagamit na pagawaan ng ibat-ibang meat products ng pamilÂyang Dionisio.
Tinatayang nasa P2-milyon halaga ng ari-arian ang naabo sa nasabing sunog na hindi pa batid ang tunay na pinagmulan.
- Latest