Mahimbing na natutulog... Mag-utol, biyuda natupok sa sunog
MANILA, Philippines - Hindi na nakalabas nang buhay ang isang mag-utol at isang biyuda matapos na makulong sa nasusunog nilang mga bahay sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Marikina City at Iligan City, Lanao del Norte.
Sa Marikina City, nakilala ang nasawing mag-utol na sina Fernando, 74, retiradong pulis at ang kapatid nitong si Boy Pantig, 64.
Sa ulat ng otoridad, ganap na alas-2:00 ng madaling-araw ay mahimbing na natutulog ang
magkapatid sa kanilang bahay sa Russel St., SSS Village, Barangay Concepcion Dos, nang sumiklab ang sunog.
Hindi na nakalabas ang magkapatid hanggang sa lamunin ng apoy ang buong kabahayan.
Ilang residente ang nakarinig ng pagsabog na pinaniniwalaang mula sa sumabog na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at ganap na naapula ng alas-3:30 ng madaling araw at sa isinagawang mopping operation natagpuan ang bangkay ni Fernando sa loob ng kanyang kuwarto habang si Boy naman ay sa hagdanan na palatandaang tinangka nitong lumabas ng bahay.
Walang ibang kasama sa bahay ang magkapatid dahil ang anak ni Fernando ay nasa Australia habang ang mga kaanak nila ay nasa Laguna.
Samantala, ganito rin ang nangyari sa 19 anyos na biyuda na si Jackie Lasara nang makulong ito sa nasusunog niyang kuwarto habang mahimbing na natutulog kamakalawa sa Iligan City, Lanao del Norte.
Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng boarding house ni Nelia Abapo na inuupahan ng biktima.
Sa lakas ng apoy ay hindi na nagawang makalabas ng kuwarto ang biktima na mabilis kumalat sa ibang kabahayan.
- Latest