Banggaan ng 2 barko: 31 nasawi, 171 nawawala
MANILA, Philippines - Nasawi ang 31 katao, 171 ang patuloy pang nawawala habang 630 pasahero at crew ng barko ang nailigtas makaraang magbanggaan ang M/V Sulpicio Express 7 at ng M/V St. Thomas Aquinas 1 ng 2GO Shipping sa karagatan ng Cordova at Talisay City, Cebu, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga nasawing biktima ay dinala ng magkatuwang na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy (PN) at iba pang rescue units sa pantalan ng Pier 4, Cebu para sa pagkakakilanlan ng mga ito bago inilipat sa Cosmopolitan Funeral Parlor.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 7 Director P/Chief Supt. Danilo Constantino naganap ang banggaan ng cargo vessel ng M/V Sulpicio Express 7 at ng pampasaherong barko ng M/V St. Thomas Aquinas 1 dakong alas-9:03.
Nabatid na ang M/V St. Thomas Aquinas, ay galing ng Butuan City patungong Cebu City sakay ang may 752 pasahero at 118 tripulante nang makabanggaan ang cargo vessel na M/V Sulpicio Express na patungong Davao City at may 38 crew.
Sa lakas ng banggaan ay lumubog ang M/V St. Thomas bandang alas-10:53 ng gabi habang nakaligtas naman ang lahat ng 38 tripulante ng Sulpicio Lines sa malagim na trahedya.
Sa panayam kay Lt. Jim Alagao, Spokesman ng AFP Central Command na nakabase sa Cebu, nasa 35 bangkay na ang narekober sa pinangyarihan ng banggaan.
Ayon kay Alagao magkatuwang ang mga divers ng AFP Central Command at ng PCG Central Visayas sa isinasagawang search and rescue operations.
Samantalang binigyan na ng relief at medical assistance ng pangasiwaan ng 2GO Shipping Lines ang mga survivors sa terminal ng Pier 4 sa lungsod ng Cebu.
Idinagdag pa sa ulat na personal ring inasikaso ng naturang shipping lines ang billeting ng mga survivors sa Subutel at Stell Marie Hotel.
Patuloy naman ang monitoring ng Office of Civil Defense (OCD) Region 7 sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng malagim na trahedya sa karagatan.
- Latest