Ex-mayor, accountant kulong ng 10 taon
MANILA, Philippines - Sampung taon na pagkakulong ang hinatol ng Sandiganbayan sa isang dating mayor at accountant ng Caibiran, Biliran matapos mapatunayang may probable cause para maidiin ang mga ito sa kasong graft kaugnay ng maanomalyang pagsusuplay ng steel pipe connectors noong 1998.
Sa 23-pahinang desisyon, ang mga pinarusahan ng Sandiganbayan’s First Division ay si dating OIC mayor Melchor G. Maderazo at acting municipal accountant Dionesio R. Veruen Jr. matapos makitang guilty sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) matapos umanong magsabwatan para makuha ang naturang pondo.
Inatasan din ng graft court sina Maderazo at Veruen na ibalik sa bayan ng Caibiran, Biliran ang halagang P160,000 na nawawala dahilan sa hindi naman nai-deliver ang 400 piraso ng steel pipe connectors na dapat sana ay naipambili dito.
Sa record, noong Enero 28, 1998 ay nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan (SB) ng Caibiran para pumasok si Maderazo sa isang negotiated contract kay Artemio Vermug, proprietor ng Vermug Welding Shop para sa pagbili ng 400 piraso ng steel pipe connectors na pinondohan ng P160,000 para sa pagpapabuti sa sistema ng patubig sa naturang bayan. Subalit, dumaan ang araw ay sinasabing hindi na kailangan ang mga steel pipe connectors kayat hindi na naipambayad ang naturang pondo gayung na-irelease na ng konseho ang P160,000 para sa proyekto.
Bukod sa kulong, hindi rin pinapayagan ng graft court na makabalik sa mga tanggapan ng gobyerno ang mga akusado.
- Latest