Natulog sa riles ng MRT... Taong grasa dedo sa tren
MANILA, Philippines - Dedo ang isang lalaÂking taong grasa nang mahagip ng tren ng Metro Rail Transit (MRT) matapos itong matulog sa riles sa southbound lane pagÂlagpas ng Magallanes station sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Bunsod nito, kinailaÂngang isarado sa publiko ang MRT-Magallanes at naapektuhan ang mga biyahe ng mga tren.
Ayon kay MRT GeneÂral Manager Atty. Al Vitangcol III, tanging ang biyahe mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Shaw Boulevard sa Mandaluyong City lamang muna at pabalik ang gumana habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.
Sa pahayag ni Vitangcol, nabatid na dakong alas-5:00 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente, kung kailan kasisimula pa lamang ng kanilang operasyon.
Ani Vitangcol, namataan umano ng unang tren ng Taft Avenue station ang biktima na nakahiga sa riles ng tren at natutulog.
Nang maalimpungatan umano ang biktima sa pagdating ng tren ay tumayo ito ngunit huli na, dahil nahagip na ito ng tren at kaagad na binawian ng buhay.
Bigo naman ang mga awtoridad na kilalanin ang biktima dahil walang nakuhang dokumento sa kanyang katawan.
Inamin rin ni Vitangcol na walang Closed Circuit Television (CCTV) camera sa pinangyarihan ng insidente kaya hindi pa alam kung papaano nakapasok sa loob ng riles ng MRT ang biktima.
- Latest