Resibo ng pera padala susi sa pagkakaaresto… 4 nagtakas sa 3 Chinese drug lord, tiklo
MANILA, Philippines - Apat sa 20 armadong kalalakihan na nagtakas sa tatlong bigtime Chinese drug lord ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang serye ng follow-up operation sa lalawigan ng Cavite kamakalawa.
Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina Rodel Cambongga alyas Gorio; Brgy. Captain LeoÂvino Fontanilla alyas Nonoy ng Bayang Luma 4, Imus; Emilio Quilicol alyas Emil at Rene Bersales alyas Dodo.
Ang apat na suspek ay nasakote sa magkakahiwalay na operasyon sa bayan ng Naic at Imus, Cavite at kabilang sa mga nagtakas sa tatlong Chinese drug lord na sina Wang Li Na, Li Lan Yan alyas Jackson Dy at Li Tian Hua.
Ayon kay CALABARZON Police Director P/Chief Supt. Benito Estipona ang mga suspek ay kabilang sa 20 armadong kalalakihan na nagtakas sa tatlong big time Chinese drug lord habang dadalo sa paglilitis ng korte sa Trece Martires City, Cavite noong Pebrero 20 dakong alas-10:00 ng umaga.
Natukoy naman ng binuong Special Investigating Task Group (SITG) sa pamumuno ni Cavite Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Alexander Rafael ang mga suspek matapos na marekober sa loob ng inabandonang kulay puting van (WTT-544) na pinagsakyan sa mga itinakas na drug lord ang isang resibo ng LBC Pera padala na nakapaÂngalan kay Cambongga na siyang nagsilbing susi sa pagkakaaresto sa mga ito.
Ikinanta naman ni Cambongga, tubong Ozamis City na siya ang nagsilbing lookout ng grupo na kasama ni Ariel Bondaon alyas Bokbok na isa niyang kababayan at huling bumisita sa kulungan ni Jackson Dy noong nakalipas na Pebrero 16 sa Cavite Provincial Jail.
Halos nasa isang buwan umano nilang plinano ang pagtakas ng tatlong Chinese drug lord na may budget na P50 milyon kaya’t kinagat umano ito ng Ozamis Group.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na si Fontanilla ang isa sa nagplano ng pagtatakas sa tatlong Chinese drug lord na nahuli noong 2003 sa Brgy. Capipiza, Tanza, Cavite sa nalansag na laboratoryo ng shabu na nasamsaman ng P2.8 bilÂyong halaga ng droga.
- Latest